Dalawampung artista na may partisipasyon sa “Beyond The Stars” concert sa Los Angeles, inilalako ng ABS-CBN sa mga ahente, mga prodyusers at mga manedyer sa Hollywood!

By Oliver Carnay

(All photos courtesy of SKY SIA PHOTOGRAPHY)
 
Sa ika-tatlumpung anibersaryo ng ABS-CBN, sa pangunguna ni Direk Laurenti Dyogi, nagkaroon ng tatlong presentasyon sa U.S. and dalawampung pangunahing artista na produkto ng Star Magic, (kilala bilang dating ABS-CBN Talent Center). Ang “Beyond The Stars” U.S. concert tour ay natapos na sa New York at San Francisco, at ang panghuli ay ang kagabi (Linggo, Agosto 15, 2022) sa Saban Theatre.
 
Mataas ang energy ng mga artistang sina Maymay Entrata, Edward Barber, Janine Berdin, Maris Racal, Andrea Brillantes habang kumakanta ng “Taralets” sa opening number pa lang.  Sumunod na lumabas sina Kyle Echarri at AC Bonifacio na parehong naka all neon green attire.  Umentra si Kim Chiu ng nakadilaw at nagsolo sa pagkanta at pagsayaw bago nagsama-sama ang lahat.
 
Napaiyak si Gigi de Lana nang mag-duet sila ni Janine Berdin.  Nagpasalamat si Gigi dahil wala na raw siyang sakit. Ipinakilala ang “hot ladies” na sina AC Bonifacio, Maris Racal, at Maymay Entrata.  Nagpasikat naman na mag-isa si Kim Chiu at sing and dance din siya.  Hiyawan din ang mga fans ni Zanjoe Marudo laluna nang magpakita ito ng abs.  Pinakilig din ng tambalang KDLEX na sina KD Estrada at Alexa Ilacad ang kanilang mga fans dahil kumpleto pa ang stage ng isang bench kung saan sila sumayaw at kumanta bago sila interbyuhin ng dalawang host na sina Edward Barber at ang komedyanteng si Erick Nicolas.  Kanya-kanyang dala ng gitara at nagsalitan sa pagkanta habang sina Angela Ken, ang singer/songwriter na si SAB, at si Lian Kyla (na bukod tanging ang instrumento ay piano), kasama nina KD Estrada at ang panghuling umakyat sa stage na si Carlo Aquino.
 
Hindi maikakaila na pinakamalakas ang popularidad ng tambalang DonBelle na sina Donny Pangilinan at Belle Mariano dahil pinaka maingay ang kanilang mga fans nang lumabas ito.  May production number ang dalawa na kung saan ay may props pa itong mga payong. 
 
May segment si Kim na naghahanap ng gustong umarte at napili nito ang isa sa fans ni Zanjoe Marudo na half-Korean at galing pa sa Saudi, nagbayad para lamang mapanood at makita si Zanjoe sa personal.
 
Nagtatalo kami ng kolumnistang si Jun Lalin na nakatabi ko habang nanonood sa bandang kanan, malayo sa stage, kung si Gigi de Lana nga yung kumakanta kasama yata nina SAB,  Janine Berdin, at hindi namin malaman kung si Angela Ken ba, o si Lian Kyla ang pang-apat na kumakanta ng mga teleserye “theme songs” ng ABS-CBN.  Pare-pareho kasi silang nakapula at hindi namin matanto kung sino ang sino.  Mas maganda sana kung sa LED wall ay naka-focus o naka-zoom ang mga mukha ng mga performers, dahil kung malayo ka sa stage ay hindi mo makikilala at manghuhula ka na lang kung sino ang pinapanood mo.  Para kaming nanonood ng ASAP dahil style ito na ang dami daming talent sa stage pero hindi mo malaman sa maliit na tv kung sino ang sumasayaw dahil sa gulo ng anggulo ng kamera.  Promotion din lang at pinapakilala sa U.S. audience ang mga talent ng ABS-CBN, mano man lang na naglagay sila ng mga lehitimong manunulat sa harapan (paging Nerissa!) para ganado akong magsulat?  (Gano’n, ako lang pala ang may problema.  Tinanong ko si Jun Lalin .. sabi niya huwag na raw akong maingay, lol!).
 
Eniweys, pagkatapos ng segment na ito ay kumanta ang mga hunks na sina Edward Barber, Donnie Pangilinan, Zanjoe Marudo, Carlo Aquino, KD Estrada, at Kyle Echarri.  May isa pang number na sing and dance ang lahat bago ang finale number na parang theme song yata ng Star Magic ang kinanta nila.  

Kung na-miss ninyong manood ng ABS-CBN Star Magic 30 “Beyond The Stars,” abangan ninyo ang documentary ng U.S. Tour na ito na ipro-prodyus ng Myx Global TV Channel. 

Ilan sa mga dapat abangan at gustong i-promote ng Star Magic at ABS-CBN ay ang “Domination” U.S. Concert Tour ni Gigi de Lana (abangan ko yan sa Oktubre 15 dito sa Alex Theatre sa Glendale, CA).  Meron ding niluluto para sa “Ang Probinsyano – Ang Pasasalamat” U.S. Tour sa Setyembre na pangungunahan ni Coco Martin kasama ang ilang cast ng Ang Probinsyano.  (I think sasama si Jodi Santamaria dahil may romcom movie na ishu-shoot dito sa U.S. ang dalawa).  Magkakaroon din ng ASAP NATIN ‘TO Concert sa Las Vegas.  
 
Nag-imbita ng ilang mga talent managers sa show ang ABS-CBN at kinabukasan (Lunes, Agosto 15, 2022), kasama ng mga iba pang ahente sa Hollywood ay nagkaroon ng salu-salo sa Yamashiro Restaurant ang mga ito kasama ng dalawampung Star Magic.  Naroon ang ilang mga ehekutibo ng Star Magic sa pangunguna ni Laurenti Dyogi.  Tingnan natin kung sino sa kanila ang mag-ma-magic para magkaroon ng star sa Hollywood!  Sa tingin ko, sigurado nang papalarin si Kyle Echarri at AC Bonifacio.  Swertehin din kaya sila katulad ni Liza Soberano na nakakuha kaagad ng Hollywood project?
 
GIGI DE LANA, ZANJOE MARUDO, KIM CHIU pinagkaguluhan bago sumakay ng bus pagkatapos ng L.A. “Beyond The Stars” concert:

MAYMAY ENTRATA, KYLE ECHARRI, AC BONIFACIO, KD ESTRADA, ALEXA ILACAD, EDWARD BARBER bago sumakay ng bus pagkatapos ng L.A. “Beyond The Stars” concert: