ABS-CBN’s ASAP NATIN ‘TO CALIFORNIA .. magical and overwhelming!

By Oliver Carnay

Naging maningning ang 30th anniversary presentation ng ASAP NATIN ‘TO in CALIFORNIA na ginanap noong Sabado, August 3, sa Toyota Arena! Three days before its actual event, during the press conference, nagbigay ng pahayag ang ABS-CBN Global COO na si Mr. Jun del Rosario, that all seats are certified sold-out.
 
Maaga akong nakarating sa Toyota Arena para maglibot at magmasid.  Medyo abala pa sa pag-iikot ang mga taong dumarating para mag-hop sa bawa’t table displays ng mga sponsors na nakapalibot sa buong arena, malapit sa mga pinto, kung saan pwedeng bumaba sa floor arena. 
Nag-uumpisa ang pre-show ng 5:00 ng hapon pero nakapila pa ang mga tao para sa mga free loot bags, t-shirts na pinamimigay ng TFC, at ng iba pang kumpanya na namimigay ng mga freebies.  Karamihan din sa mga dumarating ay bumili muna ng pagkain, at kumain muna bago umupo sa kanilang mga assigned seats.  Late din dumating ang mga tao kaya ang main show na ang nadatnan nila. Karamihan ay na-traffic dahil sa malayong lugar pa sila galing.  
 
Ang apat na magbabarkadang lalaking nakilala ko ay galing pa sa Mission Viejo, at mga fans ng Bini.  Ang dalawang teen-agers na Bini fans at naka-outfit na-interbyu ko ay galing pa sa Houston, Texas, at lumipad sa Ontario, CA, para makita at mapanood ang Bini.  Kasama nila ang ilang Blooms na nag-BnB.
Sayang at hindi nila nakita ang first performance ng Junior New System at ng 4th Impact.  Ang JNS dance group ay may mga ilang participation din throughout the show with some of the production numbers with the stars.
 
Dumating si Ms. Olivia Quido-Co ng O SkinCare na isa sa mga major presenters ng event at pinagkaguluhan siya at ang mga kasama nito sa harap ng display table nila.  Naka-pink si Ms. O at marami ang gustong magpa-picture sa kanya samantalang abala naman ang kanyang mga staff na umaasiste sa mga customers.
 
Tumambay ako sandali sa table ng NutriAsia na namimigay ng mga pakete ng cream of mushroom powder at ketchup, kasabay nito’y nakita ko si Jen Kho (na dumayo pa from Las Vegas) na nakapila sa Mexican food at bumibili ng pagkain.  Nakaramdam din ako ng gutom kaya’t nagbilin na lang akong paki-pila na rin ako. (Salamat, Jen, sa chicken quesadilla!)!

 
Malinis at planado ang presentasyon ng ABS-CBN.  Sa pre-show, binigyan ng award ng ABS-CBN Foundation ang Seafood City dahil sa kontribusyong ibinigay nito para sa mga nasalanta ng Carina.  May participation ang singer na si Dulce, na kumanta ng isang inspirational song.  Hindi siya kasama sa line-up pero palagay ko’y narito siya dahil connected sya sa MX3 na isa sa mga sponsor ng event.
Tumaas ang energy ng mga tao nang pumasok sa stage si Anne Curtis.  Aliw na aliw ang mga tao kay Anne Curtis habang pataas ng pataas ang key nito ng “I Wanna Dance With Somebody” ni Whitney Houston.  Naaliw ako kina Kim Chiu at Maymay Entrata dahil hataw na hataw ang dalawa sa mga solo segments nila (sila rin ang nakitaan ko na laging mataas ang energy at magiliw sa lahat maski sa presscon na ginanap two days before the grand show).  Bilib din ako kay AC Bonifacio, hataw din sya sa dance number nya at ang ganda lang nyang tingnan habang sumasayaw. may stage presence!
 
Dumagundong ang Toyota Arena nang tawagin at lumabas ang loveteam ng DonBelle, KimPau, at pati na rin ang JoshAnne, na nag-plug ng bagong adaptation ng Koreanovela na pagsasamahan nilang dalawa, ang “It’s Okay To Be Not Okay.”  Nag-plug din ang KimPau na mayroon silang bagong pelikulang ipapalabas sa mga sinehan.
 
Habang naghihintay ng cue sina Ogie Alcasid, Robi Domingo, at Kyle Echarri, nahuli ng kamera ko na hinahanap ng huli ang kanyang ina sa malapit na row kung saan ang tatlo ay naghihintay bago sumalang sa kamera.  Bumulong pa sya sa kameraman at sinabing “I’m looking for my mom!”  Nakatutuwa si Kyle nang maispatan nito ang ina at nagbigay ng flying kiss, pagkatapos ay nag- heart sign. 
 
Inimbitahan ni Kyle Echarri ang madlang pipol na abangan ang U.S. tour ni “Meme” Vice Ganda next month na mag-uumpisa sa Saban Theatre ng Setyembre 20 at sa Pala Casino, the following day ng Setyembre 21.
 
May importanteng mensahe si Gary Valenciano pagkatapos nitong mag-request sa audioman na hinaan ang background music.  Birthday ni Mr. Pure Energy kaya’t sa tulong ni Martin Nievera ay kinantahan ng birthday song ng lahat si Gary at pagkatapos ay bumati ang dalawa nitong anak na sina Gab at Kiana.  Pinaalalahanan ni Gary na may concert ito sa December 20 & 22 sa Araneta Coliseum, ang “One More Time.” May inspirational concert din si Gary sa Bay area sa darating na August 15 & 17.
 
Nagkaroon ng instant raket si Piolo Pascual dahil sa udyok ni Regine Velasquez-Alcasid ay maraming nag-pa-picture kay Piolo sa halagang $100 per photo opportunity.  Maraming willing magbigay ng $100 kay Papa P. pero wala nang oras.  Later, pa-joke na pinagyabang ni Regine na binigyan naman siya ng tip ni Piolo.
 
Pinagkaguluhan si Paulo Avelino nang bumaba ito ng stage, na sinundan ni Inigo Pascual na pinupog ng halik ng mga fans. Naki-selfie rin si Donny Pangilinan habang nakasunod sa tatlo, samantalang si Joshua Garcia, Piolo Pascual, Darren Espanto at Robi Domingo ay naghihintay sa stage. 
 
Ka-duet ni Yeng Constantino si Moira, na hindi ko nakilala kaagad dahil malaki ang ipinayat nito, na bagay naman sa kanya.  Sila ang nagpakilala sa segment ni Kyle Echarri, KZ Tandingan, at Inigo Pascual, na kinanta ang dalawa sa pinasikat na kanta ni Juan Karlos (JK Labajo).  Nagpakitang gilas at banat kung banat sa mga buwelta ng mataas na tono si Kyle, gayundin si Inigo.  Gusto ko ang bersyon nilang ito ng “Buwan.”
 
Nagsitayuan ang mga tao nang lumabas si Bamboo, at nakisali ang lahat sa pagkanta.  Talagang sikat si Bamboo at nagbabadyang mag-sold-out ang lahat ng cities ng napipintong Rivermaya-The Reunion US-Canada Tour.  Ngayon pa lang ay marami na ang naghahanap ng tickets ng grupo sa iba’t-ibang mga cities na pupuntahan nila.
 
Pinatunayan ng grupong BINI na hindi lamang sila sikat sa Pilipinas kung hindi maging sa U.S.. At palagay ko’y pati na rin sa iba’t-ibang panig ng mundo na may mga Pilipino.  Pinakamalakas ang hiyawan sa buong Toyota Arena ng mga Blooms.  Nakakagulat ang phenomenal success ng walong miyembro ng BINI, samantalang kailan lang, nang um-attend sila ng Kumu event (I think) two years ago dito sa L.A. ay hindi pa sila gaanong kilala.  Sa smash hits nilang “Pilantropiko,” “Cherry On Top” at “Salamin, Salamin” ay bigla silang sumikat.  

Sa pangunguna ni Roxy Liquigan ng Starmusic, nagulat ang girl group nang bigyan sila ng award dahil nag certified gold at platinum ang kanilang mga albums.  Nagpasalamat sila sa ASAP, TFC, ABS-CBN, mga fans at mga taong tumulong sa kanila para marating ang kanilang pamamayagpag.

May nakatakdang Canada Tour ang BINI at batay sa promoter nitong si Tita Lerma ng Berce Enterprises (na nasalubong ko after the show)  ay maiinit nang inaabangan ang mga ito.  SOLD OUT na ang shows sa Vancouver (August 9) at Edmonton (August 10).  Sa August 16 naman sa Winnipeg, at August 17 naman sa Toronto, Canada.  Get your tickets at mytfc.com/BINIVERSECANADA.
 
May moment din si Ogie Alcasid na incidentally ay kaarawan din nito.  Binigyan ng tribute ng mga nag-duet na sina Jolina-Darren, Piolo-Janella, Martin-Lovi Poe, Erik-Regine, Gary-Zsa Zsa para sa mga komposisyon na kanyang nilikha, at pagkatapos ay inabot sa kanya ang birthday cake.  Nagbigay ng cute na mensahe si Regine sabay kiss sa kabiyak.  Ani ni Ogie .. “Isang malaking karangalan ang maging bahagi ng napakalaking selebrasyon ng TFC .. tatlumpung taon po yan, kasama ko rin ang mga matatalik kong kaibigan .. maraming salamat sa pagbibigay-buhay sa mga awiting ito .. maraming salamat sa Panginoon na ang mga awiting ito’y dumaan lang po sa akin .. pero ang naging inspirasyon ko sa bawat liriko, bawat titik .. ay ikaw (sabay turo kay Regine)!  Na pabirong hindi sinang-ayunan ni Regine — “alam ko yung isa, hindi!!!” Nagtawanan ang lahat sa sinabi ni Regine, pero kambyo si Ogie ng — “but that one song, led me to you!” .. “I’m so proud of you!,” ang nasabi ni Regine.
Parang tribute din ang nangyari bago lumabas ang Megastar na si Sharon Cuneta.  Nagsiawit sina Klarisse de Guzman, Jona, KZ Tandingan, at Yeng Constantino ng hit songs ni Sharon bago ito nakisali sa pagkanta ng “Bituing Walang Ningning.” Itinuloy nina Regine at Zsa Zsa Padilla ang pag-awit sa pamamagitan ng “Narito Ako” hanggang sa ending.
 
Nagpalabas ng VTR ang TFC na sumasariwa sa tatlong dekada ng pamamayagpag ng ABC-CBN/TFC/iWantTFC.  At ngayon, patuloy pa ring itong nagsisilbi sa mga Pilipino OFW at mga Pilipino saan mang panig ng mundo.  
 
Nakakamangha ang production values at ang mga artista ng ABS-CBN. Talented ang mga ito at pinanday ng eksperyensya at hinubog ng husto.  Mapapansin mo na halos lahat sila ay triple-threat, all-around talent na hindi lamang sa pagkanta, maging sa pagsayaw, at maayos sa pakikisalamuha sa mga fans.  Ang mga beteranong talent ng ASAP ay patuloy na namamayagpag ang kasikatan. Kaya naman mas kilala ang mga artista ng ABS-CBN dahil nangunguna sila pagdating sa visibility ng artists at marketing strategy sa alinmang tv network na mayroon sa Pilipinas.  Congratulations, TFC, ASAP, ABS-CBN, at sa bumubuo ng 30th anniversary presentation na ito.  (My special thanks to Nerissa F.!)
 
More video clips from this event, including during the rehearsal, on my youtube channel: “Hollywoodflip by Oliver Carnay”